Ni Meozzi Group1 Nahulog ang mga butil ng rosaryo ni Impong Sela mula sa kanyang nanginginig na mga daliri, tumutunog na parang mga buto sa sahig na kawayan habang tumutopak ang takip ng kabaong ni Pepe mula sa loob – minsan, dalawang beses – habang ang mga dasal ng nobena ay natigil ng tuluyan sa paligid niya. Mukha niya sa salamin na mapayapa, ngunit bumubukas ang kanyang mga labi sa isang mahinang bulong:“ Lola...” Natigilan si Impong Sela sa gitna ng pag-iyak, nanigas ang kanyang buong katawan. Saglit na walang gumalaw. Ang kabaong ay yumanig. Hindi malakas, kundi mabagal, na tila ba'y may pumipilit bumangon mula sa loob. kinuha niya ulit ang rosaryo at napapapikit si Impong Sela. “Panginoon... “ nanginginig niyang bulong habang mahigpit niyang hinawakan ang kanyang rosaryo. “Iligtas mo kami...“ Mariing ipinikit niya ang kanyang mga mata. Biglang tumahimik ang lahat. walang kaluskos. walang kalabog. Ngunit may narinig si Impong Sela na paghinga. Hindi ito hingang hinahabol ang hangin, kundi malamig at tila malapit sa kanyang tenga. “Lola...” boses ni Pepe ang narinig niya. Hindi ito nanggaling sa kabaong, nanggaling ito sa likuran niya. Dahan-dahan niyang inimulat ang kanyang mga mata. Ngunit wala na siya sa silid. Wala ang kabaong, wala sina Sinang at Conrado, Wala ang mga kandila, at wala ang bahay na kawayan. Nakatayo siya sa isang madilim na lugar .Ang lupa sa ilalim ng kanyang mga paa ay malamig at mamasa-masa. Pagka tingin niya sa kanyang harapan may nakita siyang mga anino na nakatayo, hindi gumagalaw, ngunit tila nakamasid sa kanya. Hindi niya nakikita ang kanilang mga mukha, ngunit ramdam na ramdam niya ang kanilang presensya, malamig, mabigat, at tiyak na hindi tao. Sa gitna ng dilim, may nakita siyang pamilyar na hugis. Isang batang nakatayo. “Pepe..?” mahina niyang tawag. Dahan-dahang tumingala ang bata. Ngunit ang mga mata nito ay tila walang liwanag, parang salamin na walang repleksiyon. Biglang nagising si Impong Sela. Humahabol ang kanyang paghinga. Basa ng pawis ang kanyang noo. Nanginginig pa rin ang kanyang mga kamay, ngunit naroon ang rosaryo, mahigpit pa rin niyang hawak. Nasa bahay na ulit siya. Nasa harap niya ang kabaong ni Pepe. Tahimik. Hindi gumagalaw. Ang mga kandila ay patuloy na sumisiklab, marahang sumasayaw ang apoy. Naroon sina Sinang at Conrado sa gilid, tahimik na nagbabantay. Ang nobena ay tila kakasimula pa lamang muli. Saglit siyang napatitig sa kabaong. walang kalabog. walang bulong. “Nanay...Ayos ka lang?” mahinang tanong ni Sinang mula sa gilid. Napalingon si Impong Sela sa kanya. Sandali siyang hindi makasagot, parang galing pa sa napakalayong lugar. “Ah, oo...Ayos lang ako..” mahina niyang sagot, pilit pinapakalma ang sarili. Unti-unti niyang ibinalik ang kanyang tingin sa kabaong ni Pepe. Napapikit si Impong Sela at napahinga nang malalim. Panaginip lang pala. Marahil dala ng pagod... ng lungkot... at mahabang gabi ng pagbabantay.Dahan-dahang lumapit si Impong Sela sa kabaong ni Pepe at hinawakan ang kanyang rosaryo. “Patawarin mo ako, Pepe,” mahina niyang bulong habang pumatak ang kanyang mga luha. Sa sandaling iyon, napagtanto niyang ang paghilom ay nagsisimula kapag hinarap ang sariling pagkakamali.